--Ads--

Iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na isa sa mga dahilan kung bakit natanggal sa puwesto bilang Senate President si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III ay dahil umano sa pananaw ng ilang senador na hindi ito marunong mag-alaga ng mga kasamahan sa Senado.

Ayon kay Lacson, ito ang isa sa mga isyung ipinupukol kay Sotto noong panahon ng kanyang pamumuno sa Mataas na Kapulungan.

Aniya, ikinumpara pa umano si Sotto kay Senate President Chiz Escudero na sinasabing mas maalaga umano sa mga kapwa senador. Dagdag ni Lacson, wala namang bilyong pondong maipamamahagi si Sotto sa mga senador tulad ng ipinapalabas ng ilan.

Bukod dito, sinabi rin ni Lacson na isa pang naging dahilan ng disgusto ng ilang senador ay ang rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan ng kaso ang ilang mambabatas matapos ang isinagawang imbestigasyon ng komite na dati niyang pinamunuan.

--Ads--

Paliwanag ni Lacson, trabaho lamang niya bilang chairman ng Blue Ribbon Committee ang gawin ang nararapat batay sa mga testimonya at ebidensiyang lumabas sa pagdinig.

Binigyang-diin din niya na hindi niya inimpluwensiyahan sina dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo at Bulacan First District Engineer Henry Alcantara sa kanilang mga naging pahayag laban sa ilang senador.

Ayon pa kay Lacson, hindi niya maaaring balewalain ang mga testimonya at hindi rin siya handang magtakip para lamang protektahan ang kanyang mga kasamahan sa Senado.

Para kay Lacson, hindi patas ang naging pagtingin ng ilan kina Sotto at sa kanya kaugnay ng naturang mga isyu.