--Ads--

Hinimok ni Senator Loren Legarda ang publiko na huwag magbigay ng maling interpretasyon o maghinuha ng anumang kaugnayan sa pagitan ng kaniyang pagbiyahe sa ibang bansa at ng mga reklamong kinahaharap niya at ng kaniyang anak na si Batangas Representative Leandro Leviste.

Sa isang pahayag, kinumpirma ni Legarda na nagsumite siya ng pormal na medical leave sa Senado mula Agosto 3 hanggang 5 alinsunod sa mga umiiral na tuntunin ng institusyon.

Iginiit ng senadora na hindi dapat iugnay ang kaniyang paglalakbay sa mga alegasyong aniya’y walang basehan at nakasisira sa reputasyong binuo niya sa loob ng ilang dekada sa serbisyo publiko.

Nauna nang sinabi ni Legarda na wala pa silang natatanggap na anumang opisyal na komunikasyon mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng iniulat na preliminary investigation laban sa kanila. Binigyang-diin niya na walang katotohanan ang mga paratang at walang pampublikong pondo ang sangkot sa isyu.

--Ads--

Kasabay nito, hinikayat niya ang publiko na maging mapanuri, lalo na sa panahon at kalikasan ng mga alegasyong ibinabato laban sa kanila.

Matatandaang inanunsyo ng National Bureau of Investigation (NBI) na bumiyahe si Legarda patungong France habang nagtungo naman sa Hong Kong ang kaniyang anak na si Leviste.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Senator Erwin Tulfo na humingi ng pahintulot si Legarda bago umalis ng bansa, dahilan kung bakit hindi ito nakadalo sa huling pagdinig ng impeachment trial.

Nahaharap sina Legarda at Leviste sa mga reklamong plunder at graft kaugnay ng alegasyon na nabigo ang renewable energy firm ni Leviste na magbigay ng solar power na nakasaad sa congressional franchise nito.

Ayon naman kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, kabilang si Legarda sa iniimbestigahang kaso dahil si Leviste umano ay nakakuha ng prangkisa noong 2019 habang siya ang chairperson ng Senate Finance Committee.

Sa kabila nito, nagpahayag ng kumpiyansa si Remulla na babalik sa bansa sina Legarda at Leviste upang harapin ang mga alegasyon laban sa kanila. Kung hindi aniya sila babalik, maaari silang humarap sa kaukulang mga konsekuwensya sa ilalim ng batas.