Itinanggi ni Senator Robinhood Padilla na nakatanggap siya ng anumang pera mula sa China sa pamamagitan ng Tapang at Malasakit Foundation.
Nauna rito, ibinunyag ni dating Senator Antonio Trillanes IV na nakatanggap umano ang foundation ng ₱150 milyon na donasyon mula sa Chinese Embassy sa Pilipinas. Kabilang sa mga board of trustees ng naturang foundation si Vice President Sara Duterte.
Sa impeachment trial, kinumpirma ni Padilla na kabilang siya sa Tapang at Malasakit Foundation.
Gayunman, iginiit ng senador na wala siyang natanggap na kahit isang sentimo mula sa mga Chinese.
Hiniling din ni Padilla na huwag idamay ang lahat ng miyembro ng foundation, dahil aniya, binanggit lamang ni Trillanes ang Tapang at Malasakit Foundation at hindi naman ito bahagi ng mga usaping inilatag ng impeachment court.











