Sinita ni Senador Erwin Tulfo si Senador Rodante Marcoleta matapos umano itong magbitaw ng pahayag na tinuring na ad hominem sa gitna ng mainit na debate sa Senado hinggil sa panukalang payagan ang online participation ng mga absent na senador sa sesyon.
Nag-ugat ang tensyon matapos igiit ng majority bloc ang pag-amyenda sa Senate rules upang payagan ang electronic voting at teleconference participation ng mga mambabatas.
Giit ni Marcoleta, hindi na dapat ipatupad ang one-day waiting period sa kanyang mosyon dahil una na niya itong inihain noong Mayo 11.
Subalit kinontra ito ni Senador Risa Hontiveros, na nagsabing bagong mosyon ang isinusulong dahil naipasa na sa Committee on Rules ang naunang panukala at hindi pa ito naibabalik sa plenaryo.
Ayon kay Hontiveros, hindi pa buo ang Committee on Rules kaya hindi maaaring ibalik sa plenaryo ang mosyon, at dapat sundin ang one-day waiting period alinsunod sa Section 136 ng Senate rules.
Sa halip na direktang sagutin ang isyu sa rules, sinabi ni Marcoleta na mahirap umanong maunawaan ang mga patakaran kung walang legal background.
Dito na tumayo si Tulfo at agad na nag-raise ng point of order, iginiit na hindi tama ang pahayag na lumalait sa kakayahan ng kapwa senador at tinawag itong ad hominem.











