--Ads--

Nanawagan si Senador Erwin Tulfo na tuluyan nang tapusin ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects sa sandaling makabalik sa bansa ang dating kongresista at puganteng si Elizaldy Co.

Ito ay kasunod ng pagkakaaresto kay Co sa Czech Republic nang sinubukan umanong tumawid ng border nang walang kaukulang dokumento.

Ayon kay Tulfo, mahalagang maisara na ang imbestigasyon upang makapagpokus ang pamahalaan sa iba pang mahahalagang suliranin ng bansa.

Giit pa niya, bagama’t dapat tutukan ang krisis sa langis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan, hindi rin dapat mapabayaan ang pananagutan kaugnay ng mga isyu sa flood control.

--Ads--

Matatandaan na noong nakaraang linggo, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakaaresto kay Co, apat na buwan matapos kanselahin ang kanyang pasaporte at halos isang taon matapos siyang umalis ng bansa noong Hulyo 2025.

Nahaharap si Co sa mga alegasyon ng pagtanggap umano ng bilyong pisong kickback mula sa mga kontratista ng flood control projects at sa Department of Public Works and Highways.

Mayroon din siyang warrant of arrest mula sa Sandiganbayan kaugnay ng kasong graft at malversation.