--Ads--

Nananatiling bukas ang posibilidad na umabot sa Supreme Court ang usapin sa bagong interpretasyon ng voting threshold sa impeachment trial.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, Law Professor, sinabi niyang nakadepende sa magiging petition ang posibleng pagtalakay ng Supreme Court sa naging aksyon ng Senate impeachment court, kabilang na kung may alegasyon ng grave abuse of discretion.

Ipinaliwanag ni Atty. Arreola na mahalagang isaalang-alang ang separation of powers dahil ang Senate impeachment court ang may kapangyarihang humawak at magpasya sa mga impeachment case.

Gayunman, maaari umanong magkaroon ng judicial intervention kung mapapatunayang may grave abuse of discretion o pagkilos na lampas o walang sapat na hurisdiksyon.

--Ads--

Ayon pa kay Atty.  Arreola, hindi pa malinaw ang magiging epekto ng bagong interpretasyon dahil unang pagkakataon pa lamang umanong nahaharap ang bansa sa ganitong sitwasyon at hindi maaaring basta eksperimento lamang ang gawin sa proseso.

Kaugnay nito, sinabi niyang hindi naman umano binabaan ang two-thirds voting requirement para sa conviction. Sa halip, naging flexible lamang ang denominator o bilang ng mga senador na pagbabasehan ng two-thirds requirement.

Noong Setyembre 23, bumoto ang Senate impeachment court ng 13-1, habang anim na senator-judges ang hindi lumahok, upang ibasura ang naunang interpretasyon na awtomatikong nangangailangan ng 16 na boto para sa conviction. Sa bagong ruling, ang denominator ay ibabase sa mga senador na legal at factual na may kakayahang lumahok sa proceedings sa oras ng botohan.

Gayunman, nilinaw ng impeachment court na hindi pa awtomatikong nagtatakda ng bagong numerical threshold ang ruling, dahil kinakailangan munang matukoy kung sinu-sino ang kuwalipikadong maisama sa denominator batay sa sapat na ebidensya.

Sa ngayon, ayon kay Atty. Arreola, nakadepende pa rin sa magiging laman ng anumang petition kung magkakaroon ng pagkakataon ang Supreme Court na suriin ang naging aksyon ng Senate impeachment court.