
CAUAYAN CITY – Kusang sumuko sa mga otoridad ang isang 50 anyos na suspek sa pananaksak sa senior citizen na pinsan sa Aggasian, Lunsod ng Ilagan.
Ang suspek ay si Julito Baldamuerte, 50 anyos, may asawa habang ang biktima ay si Antonio Baldamuerte, 66 anyos, may-asawa at kapwa residente ng nabanggit na barangay.
Sa imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station, nakasakay ang biktima sa kanyang motorsiklo nang harangin ng suspek kaya siya huminto sa pag-aakalang makikisakay ngunit biglang hinugot ng suspek ang dalang patalim at inundayan ng saksak ang pinsan.
Nagtamo ng saksak sa tiyan at kaliwang dibdib si Antonio habang agad umalis ang suspek sa pinangyarihan ng insidente.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSMS Bobby Taccad, imbestigador, sinabi niya na boluntaryong sumuko sa mga opisyal ng barangay si Julito Baldamuerte.
Selos ang nakikita nilang dahilan kaya nagawang saksakin ng suspek ang kanyang pinsan matapos minsang makita na nag-uusap ang kanyang misis at biktima.
Ayon kay PSMS Taccad, hindi naman nakainom ng alak ang suspek nang saksakin ang kanyang pinsan.
Ayon sa suspek, dala lamang ng emosyon kaya nagawa niya ang pananaksak kay Antonio.










