Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa NAIA Terminal 3 ang tinatayang ₱40.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu na itinago sa loob ng isang improvised na librong yari sa kahoy.
Ayon sa BOC-NAIA, nadiskubre ang ilegal na droga sa isinagawang masusing inspeksyon ng mga tauhan ng Customs sa pamamagitan ng x-ray screening at physical examination ng bagahe ng pasahero. Napansin umano ang kahina-hinalang imahe sa scanner na nagresulta sa pagbubukas at pagsusuri ng naturang gamit, kung saan tumambad ang mga pakete ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu.
Kaagad na inaresto ang pasahero at isinailalim sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa mas malalim na imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at sa Customs Modernization and Tariff Act.
Patuloy naman ang paalala ng BOC sa publiko na mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga paliparan upang masawata ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.











