--Ads--

Ipatutupad ang shifting sa ilang klase sa Cauayan City Stand Alone Senior High School (CCSASHS), partikular na sa Technical-Vocational-Livelihood (TVL) o Technical Professional Track, dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, Principal ng CCSASHS, sinabi niya na sa kabuuan ay aabot sa 375 ang bilang ng mga enrollee sa naturang track. Gayunman, nasa walo lamang ang available na instructional rooms para rito kaya naman kinakailangan nilang magpatupad ng morning at afternoon shift upang ma-accommodate ang lahat ng mga estudyante.

Mayroon naman aniyang karagdagang silid na maaaring gamitin pansamantala. Ayon sa pamantayan, pagdating sa bilang ng mga mag-aaral sa isang classroom, dapat ay 25 lamang ang kasya sa isang silid-aralan subalit dahil sa kakulangan ng pasilidad ay kinailangan nilang magdagdag hanggang 40 estudyante kada silid.

Magsisimula ang morning shift mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali, habang alas-1:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon naman para sa afternoon shift.

--Ads--

Samantala, aabot sa mahigit 3,700 ang kabuuang bilang ng mga enrollee sa CCSASHS, kung saan karamihan sa mga ito ay mga Grade 11 student na nasa mahigit 1,800. Gayunman, maaari pa aniya itong magbago depende kung mayroon pang maghahabol sa enrollment o lilipat ng paaralan.

Pagdating naman sa Academic Track, hindi na kinakailangan ng shifting dahil sapat ang kanilang mga silid-aralan na kasalukuyang nasa 60 rooms.

Ayon kay Dr. Mina, kinakailangan pa talaga ng paaralan ng mga karagdagang classroom. Batay sa kanilang pending request, mayroon nang kinatawan mula sa Regional Office na nagsagawa ng site inspection upang suriin kung saan maaaring itayo ang karagdagang 16 na klasrum at isang TVL Laboratory.

Sa kabilang dako, tuloy-tuloy pa rin ang partnership ng CCSASHS sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan para sa Alternative Learning System (ALS) Program para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na nais magpatuloy sa pag-aaral.

Ngayong academic year, mayroong dalawang seksyon para sa programa, isa sa Grade 11 at isa sa Grade 12.

Ang mga learning facilitator ay mula mismo sa CCSASHS na siyang nagtutungo sa piitan ng BJMP upang magturo at magdala ng mga learning materials na kinakailangan ng mga naka-enroll na PDL sa kanilang pag-aaral.