--Ads--

Pinalalawak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Isabela ang mga oportunidad sa skills training at scholarship para sa mga Isabeleño, kabilang ang mga programang direktang nakaugnay sa mga negosyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vilma Cabrera, Provincial Director ng TESDA Isabela, ipinaliwanag niya na kabilang sa mga programang maaaring mapakinabangan ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang Training for Work Scholarship Program (TWSP), Special Training for Employment Program (STEP), at Tulong Trabaho Scholarship Program (TTSP).

Binigyang-diin ni Cabrera ang Enterprise-Based Education and Training o EBET, kung saan direktang nakikipagtulungan ang TESDA sa mga negosyo at kumpanya upang maisagawa ang skills training sa aktuwal na workplace.

Aniya, may tatlong salik ang EBET, General EBET, Upskilling Program, at Apprenticeship, na nakatuon sa iba’t ibang pangangailangan ng mga trainee at empleyado.

--Ads--

Sa General EBET, maaaring mag-alok ang mga kumpanya ng training para sa National Certificate o NC I at NC II. Sagot ng TESDA ang training cost, gayundin ang libreng training at assessment ng mga trainee. May matatanggap ding allowance ang trainees na P160, habang maaari namang magbigay ang partner company ng karagdagang allowance para sa pagkain at pamasahe.

Samantala, ang Upskilling Program ay nakatuon sa mga kasalukuyang empleyado na nais dagdagan o i-upgrade ang kanilang kasanayan. Patuloy na sasahod ang mga empleyado mula sa kanilang kumpanya habang ang TESDA naman ang magbibigay ng libreng training at assessment.

Samantala, ang Apprenticeship ay para sa mas mataas na qualification gaya ng NC III at NC IV. Libre rin ang training at assessment para sa trainee, habang ang kumpanya ang nagbibigay ng 75% ng salary o kaukulang incentive sa apprentice, at hindi ang TESDA.

Ayon kay Cabrera, isa sa malaking benepisyo ng enterprise-based training ay ang posibilidad na direktang ma-employ sa kumpanyang pinagsanayan ang trainee kapag nakita ang kanyang magandang performance at potensiyal.

Maaari rin aniyang mairekomenda ang mga trainee sa ibang kumpanya na nangangailangan ng kanilang kasanayan, kaya nagiging daan ang programa hindi lamang sa skills training kundi maging sa employment.