--Ads--

Kinumpirma ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Isabela na mayroon pang natitirang scholarship slots sa ilang technical-vocational courses sa lalawigan, kabilang ang Barangay Health Services NC II na maaari ring kunin ng mga barangay health worker.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vilma Cabrera, Director III ng TESDA Isabela, sinabi nitong may available slots pa mula sa scholarship allocation na ipinagkaloob sa kanilang tanggapan, bagama’t karamihan sa mga training program ay malapit nang matapos.

Maaaring kunin sa Isabela School of Arts and Trades o ISAT ang Barangay Health Services NC II. Umaabot sa 560 oras ang pagsasanay na naglalayong palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga barangay health worker sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan.

Kabilang din sa mga kursong may scholarship slots ang Automotive Servicing, Masonry, Cookery, Electrical Installation and Maintenance, PV Systems Installation, Driving, Plumbing at Early Childhood Care and Development.

--Ads--

Batay sa dokumentong ipinakita ng TESDA Isabela, nasa 17 hanggang 25 ang aprubadong scholarship slots sa bawat qualification.

Gayunman, hindi lahat ng ito ay bakante pa dahil may mga kursong kasalukuyan nang isinasagawa, habang ang ilan ay naghihintay pa ng trainer.

Mayroon ding mga pagsasanay na isinasagawa mismo sa mga barangay sa ilalim ng Mobile Training Program.

Pinapayuhan ang mga interesadong aplikante na direktang makipag-ugnayan sa TESDA Isabela o sa kaukulang training institution upang malaman ang aktuwal na natitirang slots, iskedyul at requirements.