--Ads--

Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan dahil sa papalapit na Super Typhoon Inday.

Kabilang sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 ang hilagang-silangang bahagi ng Cagayan, partikular ang mga bayan ng Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Gattaran, at Santa Teresita.

Batay sa weather bulletin ng PAGASA, nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo ngunit inaasahang papasok ito sa bansa ngayong araw ng Miyerkules.

Huling namataan ang sentro ng Super Typhoon Inday sa layong humigit-kumulang 1,545 kilometro silangan ng Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 185 kilometro kada oras at pagbugsong aabot hanggang 230 kilometro kada oras .

--Ads--

Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras at may lakas na hanging umaabot hanggang 900 kilometro mula sa sentro nito.

Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng malalakas na pag-ulan sa Batanes mula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes dahil sa epekto ng bagyo at habagat.

Samantala, inaasahan ang malalakas na bugso ng hangin sa ilang bahagi ng Mindanao dahil sa pinalakas na habagat.

Nagpaalala ang PAGASA sa mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na iwasang pumalaot, lalo na sa mga lugar na maaaring makaranas ng masamang kondisyon ng karagatan.

Ayon sa ahensya, inaasahang mananatiling super typhoon ang Inday hanggang Huwebes bago unti-unting humina at maging typhoon. Gayunpaman, posibleng manatili itong isang bagyo habang nagpapatuloy ang pagtahak nito sa labas ng bansa.