Inihayag ng Department of Energy (DOE) na nananatiling pinakamataas ang singil sa kuryente sa Pilipinas kumpara sa iba pang bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ayon kay DOE Undersecretary Rowena Cristina Guevara, umabot sa P12.43 kada kilowatt-hour (kWh) ang average na presyo ng kuryente sa bansa noong Hunyo, mas mataas kaysa sa naitalang singil sa Singapore.
Ipinaliwanag ni Guevara na pinakamalaki ang epekto sa Visayas kung saan kulang ang suplay ng kuryente dahil sa 21 planta na nakaranas ng forced outage. Dahil dito, umaasa ang rehiyon sa kuryenteng nanggagaling sa Luzon at Mindanao, dahilan upang tumaas ang presyo ng kuryente.
Dagdag pa niya, madalas ding nakakaranas ng yellow alert ang Visayas grid, indikasyon na manipis ang reserbang suplay ng kuryente upang matugunan ang pangangailangan ng transmission grid. Kabilang sa mga naapektuhang planta ang Therma Visayas Inc. Units 1 at 2 at Panay Energy Development Corp.
Bukod sa kakulangan ng suplay, sinabi rin ni Guevara na tumaas ang demand sa kuryente noong tag-init kaya napilitang paandarin ang mas mahal na mga planta upang maiwasan ang brownout.
Samantala, nagpatupad ng dagdag-singil ang Manila Electric Company (Meralco), kung saan tumaas ang residential rate sa P14.4833 kada kWh noong Hunyo mula sa P14.3345 kada kWh noong Mayo. Katumbas ito ng halos P30 dagdag sa buwanang bayarin ng isang kabahayang gumagamit ng 200 kWh.
Nadagdagan pa ito ng panibagong P0.3428 kada kWh para sa Hulyo, dahilan upang umakyat sa P14.8621 kada kWh ang kabuuang singil. Dahil dito, tinatayang madaragdagan ng humigit-kumulang P69 ang buwanang bayarin ng karaniwang konsyumer.











