Gumagamit na ng solar panels ang ilang barangay sa Santiago City bilang hakbang upang mabawasan ang mataas na singil sa kuryente at mapagaan ang gastusin sa kanilang mga pasilidad.
Ayon kay Punong Barangay Eduardo Dacanay ng Barangay Baluarte, malaking tulong umano ang paglalagay ng solar panels lalo na sa pagpapatakbo ng mga street lights at court sa kanilang lugar.
Dahil naka-install na ang system, hindi na rin kinakailangan ng malaking buwanang gastos para sa konsumo sa kuryente.
Dagdag pa ni Dacanay na makakatipid ang barangay sa gastusin sa kuryente habang nagkakaroon din ng sariling mapagkukunan ng enerhiya kahit sa panahon ng pag-ulan at bagyo.
Gayunman, aminado rin ang ilang opisyal at residente na may pangamba pa rin sila sa epekto ng pabago-bagong panahon sa paggamit ng solar energy.
Posible umano na bumaba ang produksyon ng enerhiya ng solar panels tuwing maulan o kulang ang sikat ng araw.
Sa kabila nito, nananatiling positibo ang ilang barangay sa benepisyong maidudulot ng solar panels at umaasang mas marami pang komunidad ang makinabang sa alternatibong pinagkukunan ng enerhiya.











