--Ads--

Kulang umano ang report card ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), ayon sa isang constitutional Expert.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, sinabi niyang nasa ikaapat na taon na ng kanyang panunungkulan si Pangulong Marcos ngunit hindi nito gaanong natalakay sa kanyang SONA ang mga naging nagawa ng administrasyon sa mga nakalipas na taon.

Aniya, hindi rin nabigyang-pansin sa talumpati ang mga pangmatagalang pagbabago o structural reforms sa sistema ng pamahalaan tulad ng reporma sa political system, anti-dynasty bill, justice system, at iba pang mahahalagang usaping may malaking epekto sa hinaharap ng bansa.

Dahil dito ay binigyan niya ng 8/10 na grado ang Pangulo sapagkat Kahit papaano ay natalakay naman nito ang ilan sa mga pangangailangang tulong ng mamamayan na humaharap sa iba’t ibang isyu ng bansa. Gayunman, ang mga ito umano ay pawang panandalian o temporary relief lamang.

--Ads--

Sa kabila nito, kinilala ni Cayosa ang ilang positibong bahagi ng SONA. Kabilang dito ang muling pagpapakita ng Pangulo ng matatag na paninindigan sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, gayundin ang pagtalakay nito sa usapin ng korapsyon at sa nalalapit na pagsasampa ng mga kaso laban sa kaniyang pinsan at Leyte Representative Martin Romualdez.

Gayunman, sinabi ni Cayosa na mas makabubuti kung hindi lamang sa mga pahayag magtatapos ang kampanya laban sa korapsyon. Aniya, nais ding makita ng publiko kung anu-anong konkretong hakbang ang ginagawa ng Pangulo upang papanagutin at alisin sa puwesto ang mga opisyal sa executive branch na nasasangkot o pinaparatangan ng katiwalian.