--Ads--

Isang South Korean national na nahatulan ng pagkakakulong sa Pilipinas ang umano’y nagplano ng isang kakaibang pagtakas gamit ang drone bago ang kanyang pansamantalang pagbabalik sa South Korea upang harapin ang hiwalay na kasong kriminal.

Kinilala ang suspek na si Park Wang-yeol, 47-anyos, na iniulat na naghanda ng detalyadong plano kasama ang kanyang mga kasamahan. Ayon sa South Korean media, nagsagawa umano ang mga ito ng ilang test flight gamit ang drone na kayang magbuhat ng hanggang 75 kilo.

Nadiskubre umano ng mga awtoridad ang balak na pagtakas matapos makuha ang video ng isa sa mga isinagawang pagsubok.

Batay sa ulat, umabot sa 100 milion won o ₱4,673,698 ang nagastos sa paghahanda ng operasyon, kabilang ang pagbili ng drone na gagamitin sana sa pagtakas.

--Ads--

Sa umano’y plano, ililipad palabas ng piitan si Park sa tulong ng drone matapos itong ikabit sa kanyang katawan. Bago ito, pinag-aralan din umano ang posibilidad ng pag-atake sa sasakyang maglilipat sa kanya mula sa kulungan.

Si Park ay nahatulan noong 2022 ng 60 taong pagkabilanggo dahil sa pagpatay sa tatlong South Korean na natagpuang patay sa isang tubuhan malapit sa Bacolod City noong 2016.

Nauna na rin umano siyang nakatakas sa kustodiya noong 2017 at 2019 habang inililipat para sa mga pagdinig sa korte.

Noong Marso, pansamantala siyang ibinalik sa South Korea upang harapin ang kasong may kaugnayan sa umano’y pagpasok ng 4.8 kilo ng methamphetamine sa kanilang bansa.

Iniulat din na mayroon umano siyang access sa air-conditioned na selda, telebisyon at cellphone habang nakapiit sa New Bilibid Prison.