Nilinaw ni Senate President Sherwin Gatchalian na wala pang pinal na desisyon kung sino ang mamumuno bilang presiding officer sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na nakatakdang isagawa sa susunod na buwan.
Sa isang press conference ngayong Huwebes, sinabi ni Gatchalian na pag-uusapan pa ng Senado ang pagpili ng presiding officer para sa nalalapit na impeachment trial. Ayon sa kanya, sa kasalukuyan ay siya muna ang nakatakdang mamuno sa mga pagdinig.
Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng sinabi ni Senador Panfilo Lacson na umano’y napagkasunduan ng majority bloc na italaga si Senador Francis Escudero bilang presiding officer kapag muling nagtipon ang impeachment court.
Noong Hunyo 3, binago ng mayorya sa Senado ang mga patakaran sa impeachment upang pahintulutan ang kapulungan na pumili ng ibang presiding officer para sa mga impeachment trial na hindi laban sa pangulo. Sa ilalim ng Konstitusyon, ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema ang namumuno lamang sa impeachment trial ng isang pangulo.
Binanggit din ni Gatchalian na kinakailangan pa rin ang hindi bababa sa 16 na boto mula sa mga senador-hukom upang mahatulan ang bise presidente. Aniya, hindi niya nais pangunahan ang magiging hakbang ng prosecution panel habang nagpapatuloy ang proseso.
Samantala, nagsagawa na ng pre-impeachment trial conference ang legal team ni Duterte at ang House prosecution panel bilang paghahanda sa pormal na pagsisimula ng impeachment trial sa Senado.











