--Ads--

Nagsimula na ang hanay ng Special Forces ng Philippine Army sa pag-iikot sa mga tabing-ilog sa lalawigan ng Isabela bilang bahagi ng kanilang seguridad at monitoring ngayong Semana Santa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay 1Lt. Jeric Labarinto, Commander ng Special Forces Philippines Army, layunin ng kanilang operasyon na masuri ang kalagayan ng mga riverside areas na dinadagsa ng mga naliligo, lalo na sa mga lugar na may malalalim na bahagi.

Aniya, bahagi ito ng direktiba mula sa national headquarters upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng pagdagsa ng mga bakasyunista sa mga ilog.

Dagdag pa ni 1Lt. Labarinto, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang pwersa sa mga lokal na awtoridad upang magkaroon ng maayos na koordinasyon at maibahagi ang kanilang obserbasyon sa mga binabantayang lugar.

--Ads--

Gayunpaman, aminado ang opisyal na hindi kayang maikot ang lahat ng ilog sa lalawigan dahil sa limitadong bilang ng pwersa at oras. Dahil dito, mas pinaigting ang koordinasyon sa mga barangay at iba pang ahensya upang matiyak na may nagbabantay at nagmomonitor sa mga lugar na dinadayo ng publiko.

Samantala, ginagamit din ng Special Forces ang kanilang presensya upang magbigay ng paalala at impormasyon sa mga mamamayan hinggil sa kaligtasan, lalo na sa mga nagbabalak na magtungo sa mga ilog ngayong Semana Santa.