--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagdadalamhati ang pamilya ng sundalong nasawi matapos tamaan ng kidlat sa Pasil, Kalinga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Napoleon Monterubio, ang ama ng nasawing si CPL Andrew Five Monterubio ng Gamu, Isabela sinabi niya na hindi nila inasahan ang pagkasawi ng kanyang anak.

Aniya hirap silang tanggapin ang maagang pagkawala ni CPL Moterubio lalo’t marami pa itong pangarap sa buhay at anim na taon pa lamang ito sa serbisyo sa militar.

Hinangaan naman ni Ginoong Monterubio ang kanyang anak sapagkat aniya na hindi naging madali ang pagpasok nito sa Philippine Army dahil bago pa man siya naging ganap na sundalo ay nagsilbi muna itong striker sa Camp Melchor Dela Cruz sa Upi, Gamu, Isabela.

--Ads--

Simula bata ay pangarap ni CPL Monterubio na maging sundalo sa kabila ng hirap ng kanilang buhay ay nagpatuloy ito para makamit ang pangarap na magserbisyo sa bansa.

Sinabi pa ni Ginoong Monterubio na mabait at mapagmahal bilang anak si CPL Monterubio kayat masakit man ay pilit na lamang tinatanggap ng kanilang pamilya ang pangyayari sapagkat nangyaring ang insidente sa mga oras na ginagampanan ng anak ang tungkulin nito sa bayan.

Tuloy tuloy naman ang pakikipag-ugayan sa kanilang pamilya ng 5th Infantry Division para sa tulong at pinasalamataan nito ang mga patuloy na nagdarasal at nakikiramay para sa kanilang pamilya.

Sa ngayon nakalagak ang labi ni CPL Moterubio sa Brgy. Lenzon, Gamu, Isabela

Matatandaan na noong ika-labindalawa ng Mayo ay nasawi matapos tamaan ng kidlat sina Cpl Andrew Monterubio ng Gamu, Isabela at Pfc Inmongog Aronchay mula sa Sadanga, Mt. Province habang sugatan naman sina Sgt Dennis Bananao ng Tanudan, Kalinga, PFC Melvin Danggalan ng Paracelis, Mt. Province, PFC Abegil Awingan mula sa Pinukpuk, Kalinga at  PFC Riel Angya ng Pasil, Kalinga habang nagsasagawa ng operasyon sa kabundukan na boundary ng Western Uma, Lubuagan at Balatoc, Pasil, Kalinga.