--Ads--

Bahagyang lumakas ang Super Typhoon Inday habang patuloy na kumikilos pa-kanluran hilagang kanluran sa Philippine Sea silangan ng Northern Luzon.

Huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 1,270 kilometro silangan ng Northern Luzon taglay ang lakas ng hanging aabot sa 195km/h malapit sa gitna, pagbugsong hanggang 240km/h. Kumikilos ang bagyo sa bilis na 20km/h.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Apayao, Kalinga, Isabela, Ilocos Norte at ilang bahagi ng Aurora, Quirino, Ifugao, Mountain Province, Abra at Catanduanes.

Ayon sa PAGASA, posibleng magdala ang pinalakas na habagat at ang paligid ng bagyo ng malalakas hanggang mabugsong hangin sa malaking bahagi ng bansa hanggang Biyernes.

--Ads--

Nagbabala rin ang ahensya laban sa mapanganib na kondisyon ng karagatan, partikular sa baybayin ng Isabela kung saan maaaring umabot sa 4.5 metro ang taas ng alon. Pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na huwag pumalaot.

Inaasahang lalapit ang bagyong Inday sa Extreme Northern Luzon sa Biyernes bago kumilos patungong timog ng Japan at hilagang bahagi ng Taiwan. Posible itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado at mag-landfall sa silangang bahagi ng mainland China sa Linggo.

Bagama’t inaasahang bahagyang hihina sa mga susunod na araw, mananatili pa rin itong isang malakas na bagyo sa loob ng forecast period.