--Ads--

Magiging kritikal ang suplay ng bigas sa bansa sa huling bahagi ng taon dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), pinalad ang mga magsasaka na makapag-ani bago pa tumaas ang presyo ng langis kasunod ng tensyon sa Middle East.

Gayunman, inaasahang maaapektuhan ang susunod na cropping season dahil malaki ang paggamit ng makinarya sa buong proseso ng pagsasaka, mula pagtatanim hanggang anihan.

Dagdag pa rito ang pagtaas ng presyo ng abono na umaabot na sa humigit-kumulang P1,500 bawat sako. Tinatayang kakailanganin ng isang magsasaka na may isang ektarya ng lupa ng karagdagang P15,000 para sa 10 sako ng abono, bukod pa sa gastos sa irigasyon at iba pang pangangailangan.

--Ads--

Dahil dito, maaaring umabot sa P30,000 ang dagdag na pondo na kinakailangan ng bawat magsasaka, habang ang kabuuang gastos sa isang ektarya ay posibleng tumaas mula P60,000 hanggang P90,000–P120,000.

Hinihiling ng SINAG ang tulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng fertilizer subsidy, cash vouchers, at fuel subsidy upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagtatanim ng palay sa bansa.