--Ads--

Tiwala si House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V na hindi maaantala ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa mga petisyong inihain sa Supreme Court kaugnay ng itinakdang bilang ng boto para sa conviction.

Ayon kay Ortega, magpapatuloy ang paglilitis habang wala pang inilalabas na desisyon ang Supreme Court sa mga naturang petisyon.

Hindi rin umano nito maaapektuhan ang tungkulin ng prosecution panel na maglahad ng mga ebidensya at magharap ng mga testigong susuporta sa mga articles of impeachment laban kay VP Sara.

Sinabi ni Ortega na noon pa man ay inaasahan na ng prosecution ang posibleng mga legal na hamon sa proseso ng impeachment kaya patuloy ang kanilang paghahanda at pagtatrabaho.

--Ads--