
CAUAYAN CITY – Pansamantalang isinara ang tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) region 2 dahil sa pagpositibo sa COVID-19 ng isa sa anim na naaresto sa Santiago City na sangkot sa pangingikil sa ilang grupo ng contractor sa Lambak ng Cagayan.
Una rito, nagsagawa ng entrapment operation ang NBI region 2 sa Santiago City noong ika-25 ng Agosto 2020 na kinasasangkutan ng 6 na tao at idinawit pa ang isang mayor sa Nueva Vizcaya at ilang tanggapan ng pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Gelacio Bongat ng NBI Region 2, sinabi niya na ang mga leader ng grupo ay sina Adrian Martinez at Julius Galupo na kapwa residente ng Quezon City habang ang iba pa na kabilang sa grupo ay sina Gemma Obra at Rodthel Chan na kapwa residente ng Santiago City; Joseph Athara ng Alicia, Isabela at Rey Carl Calumpit ng Claveria, Cagayan.
Isinagawa ang operasyon dahil sa reklamo ng isang grupo ng mga contractor sa Isabela.
Utak umano sa pangingikil si Martinez na may koneksiyon sa Department of Budget and Management (DBM) sa tulong umano ng isang mayor sa Nueva Vizcaya.
Naging negotiator naman umano si Obra sa pagitan ni Martinez at mga nagrereklamong contractor at sinabing kaya niyang makapag-download ng pondo mula sa isang road construction project at maibigay ang proyekto sa kanila alinsunod sa Standard Operating Procedure (SOP).
Batay sa nagrereklamo, SOP ang pagbibigay ng contractor ng 30% ng kabuuang halaga ng proyekto na 62 million pesos bilang paunang bayad bago maisagawa at maibigay sa kanila ang road project na nakatakdang isagawa sa Diadi, Nueva Vizcaya.
Upang maibigay sa kanila ang proyekto, humiling ng 4 million pesos ng grupo sa mga contractor na naging dahilan upang magduda at magsuplong ang grupo sa NBI region 2.
Dahil dito, napag-alaman na marami na ring nabiktimang contractor ang tinaguriang ‘infrastructure scammer’ sa rehiyon dos at sinasabing may malaking protector sa National Capital Region (NCR).
Sa isinagawang operasyon ay matagumpay na nadakip ang anim na sangkot at dinala sa kustodiya ng NBI region 2.
Sinampahan sila ng kasong robbery/extortion at estafa subalit nakapagpiyansa sila ng Ph120,000.
Una rito, bilang pagsunod sa protocol ay isinailalim sila sa rapid test at nagpositibo ang isa sa antibody test na mula sa NCR.
Agad na isinailalim sa confirmatory test o swab test ang suspek at nagpositibo sa COVID-19.
Dahil dito, pansamantalang itinigil ang operasyon ng tanggapan para sa isasagawang disinfection.
Bukod dito ay sasailalim din sa 14 days strict quarantine ang anim na operatiba ng NBI Region 2 at nakatakda ring sumailalim sa swab test gayundin ang lahat ng empleyado ng tanggapan na may direct contact sa suspek.










