--Ads--

Posibleng maranasan ang mas madalas na power interruption ngayong panahon ng tag-init dahil sa inaasahang pagtaas ng konsumo ng kuryente, ayon sa Isabela Electric Cooperative I (ISELCO I).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Laarni San Antonio, Branch Supervisor ng ISELCO 1-Cauayan Branch, ang mataas na demand sa kuryente tuwing summer season ay maaaring magdulot ng kakulangan sa suplay. Kapag nangyari ito, posibleng magresulta sa mas madalas na power interruption sa iba’t ibang lugar.

Ipinaliwanag din niya na bagama’t karaniwan na ang pagtaas ng kaso ng power interruption tuwing tag-init, maaari naman itong maiwasan o mabawasan sa pamamagitan ng tamang paggamit at pagtitipid ng kuryente.

Kabilang sa mga inirerekomendang hakbang ang pag-unplug ng mga appliances na hindi ginagamit, paglilimita sa sabay-sabay na paggamit ng mga kagamitang de-kuryente, at pag-iwas sa madalas na pagbubukas at pagsasara ng refrigerator upang mapanatili ang lamig nito at hindi mag-overwork ang appliance.

--Ads--

Hinimok naman ng ISELCO I ang publiko na makiisa sa pagtitipid ng kuryente upang maiwasan ang labis na demand na maaaring magdulot ng kakulangan sa suplay at posibleng aberya sa serbisyo.

Sa huli, binigyang-diin ng kooperatiba na ang simpleng disiplina sa paggamit ng kuryente ay malaking tulong upang mapanatiling matatag ang suplay lalo na sa panahon ng matinding init.