Nagpapaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa Santiago City sa publiko na maging responsable at maingat sa kanilang mga gawain upang maiwasan ang sunog ngayong panahon ng tag-init.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO1 Elvin Vallejo, Chief ng Intelligence and Investigation Section ng BFP Santiago, sinabi niya na mahalaga ang tamang paggamit ng mga kagamitang de-kuryente upang maiwasan ang short circuit na isa sa pangunahing sanhi ng sunog sa mga tahanan.
Ayon kay Vallejo, ang paggamit ng overloaded na saksakan, sirang kable, at mga substandard na electrical devices ay nagpapataas ng panganib ng sunog, lalo na ngayong tag-init kung kailan mas tumataas ang konsumo sa kuryente dahil sa paggamit ng mga bentilador at aircon.
Binigyang-diin din niya na ang mga appliances na naiiwang nakasaksak kahit walang tao sa bahay ay maaaring magdulot ng overheating na posibleng pagmulan ng sunog. Kabilang dito ang plantsa, rice cooker, telebisyon, at mga charger na dapat tanggalin sa saksakan kapag hindi ginagamit.
Dagdag pa ng BFP, mahalaga ring regular na inspeksyunin ang mga linya ng kuryente sa bahay, iwasan ang “octopus wiring” o sobrang daming nakasaksak sa iisang outlet, at tiyakin na hindi pinaglalaruan ng mga bata ang mga saksakan o mga bagay na madaling magliyab.
Hinihikayat din ang publiko na magkaroon ng fire extinguisher sa kanilang tahanan, maglagay ng smoke detector kung kakayanin, at agad iulat sa awtoridad ang anumang insidente o panganib ng sunog.
Sa patuloy na pagtaas ng temperatura, binibigyang-diin ng BFP na ang pagiging alerto at disiplinado ang susi upang maiwasan ang sunog at maprotektahan ang buhay at ari-arian.











