Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga awtoridad na buwagin ang mga community-based criminal group, kabilang ang grupong True Brown Style o TBS na umano’y nagre-recruit ng mga menor de edad para sa mga gawaing kriminal.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, karamihan sa mga miyembro ng TBS ay nasa edad 18 hanggang 20 at nanghihikayat umano ng mga batang edad 14 hanggang 15 na sumali sa grupo.
Kabilang umano sa initiation ng mga bagong miyembro ang pagnanakaw sa mga convenience store.
Sinabi ni Remulla na pinag-aaralan na ng mga awtoridad ang command structure ng grupo upang mapigilan ang paglawak nito.
Ayon pa sa kalihim, nagmula umano sa Estados Unidos ang TBS may 35 taon na ang nakararaan at nakarating na sa Pilipinas.
Iginiit ni Remulla na kailangang agad na mabuwag ang grupo bago pa ito lumaki at mas marami pang kabataan ang mapasama.











