Nabitin ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes sa Batasang Pambansa Complex.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay TDC Chairperson Benjo Basas, sinabi niya na bagama’t may mga positibong nabanggit ang Pangulo tungkol sa edukasyon, hindi pa rin umano nasiyahan ang kanilang grupo dahil hindi natalakay ang matagal na nilang panawagan na dagdagan ang sahod ng mga guro.
Maliban dito, sinabi rin niyang hindi nabigyan ng malinaw na solusyon ang mga problemang matagal nang kinahaharap ng sektor ng edukasyon.
Ayon kay Basas, bagama’t may mga programang ipinatutupad ang pamahalaan upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon, hindi pa rin nito lubos na natutugunan ang mga pangunahing isyu at wala pang malaking pagbabagong nararamdaman sa sektor.
Isa sa mga binigyang-diin ng Pangulo sa kanyang talumpati ang promosyon ng libu-libong guro sa ilalim ng Expanded Career Progression System. Tinalakay rin ang pagde-deploy ng mga guidance counselor sa mga paaralan upang mapangalagaan ang mental health ng mga estudyante at guro.
Iginiit din ni Basas na kailangang pabilisin ang pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan sa ilalim ng planong classroom acceleration program ng administrasyon dahil nananatili pa rin ang kakulangan ng mga classroom sa iba’t ibang bahagi ng bansa.











