Nagsagawa ng tinawag na “self-defense strikes” ang militar ng Estados Unidos laban sa mga missile launch site at mga bangka ng Iran sa paligid ng Strait of Hormuz.
Nauna nang nagkaroon ng palitan ng putok ang pwersa ng Amerika at Iran kahit umiiral ang tigil-putukan kaya hindi pa malinaw kung paano maaapektuhan ng panibagong pag-atake ang umiiral na truce.
Samantala, nagpapatuloy sa Doha, Qatar ang negosasyon sa pagitan ng mga Qatari mediator at Iran, katuwang ang Estados Unidos. Ayon sa ulat, layunin ng dalawang panig na makabuo ng isang “memorandum of understanding,” ngunit nananatiling hadlang ang usapin tungkol sa nuclear program ng Iran at mga ipinatutupad na sanctions ng Amerika.
Sa gitna naman ng tensyon, naghahanda umano ang Israel na palawakin pa ang mga pag-atake laban sa Hezbollah kabilang na sa Beirut, Lebanon. Ipinahiwatig din ng isang opisyal ng Estados Unidos ang suporta ng Washington sa hakbang ng Israel.











