Iginiit ng Malacañang na walang maling impormasyon o fake news na inilabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa kalagayan ni Zaldy Co sa Czech Republic noong nakaraang linggo.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ang salitang “nahuli” na ginamit ng Pangulo sa kanyang social media post ay isang pangkalahatang termino at hindi nangangahulugang pormal na naaresto ang isang indibidwal.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi premature ang naging anunsyo ng Pangulo dahil ito ay dumaan sa tamang beripikasyon.
Lumabas ang paglilinaw matapos malito ang publiko sa mga ulat na hindi pa umano opisyal na naaresto ang dating mambabatas batay sa impormasyon mula sa mga awtoridad ng Czech Republic.
Paliwanag pa ni Castro, totoo na “nahuli” o napigilan sa paggalaw si Co sa hangganan ng Germany at Czech Republic. Aniya, nagkaroon lamang ng kalituhan dahil sa pagkakaiba ng legal na terminolohiya sa pagitan ng dalawang bansa, kung saan hindi agad ginagamit ng Czech Republic ang terminong “arrest.”
Sa kabila nito, mahalaga umanong nakumpirma na nasa kustodiya ng Czech authorities si Co sa panahong iyon, at nagpapatuloy ang hakbang ng pamahalaan para maiuwi sa bansa ang dating kongresista.
Samantala, hindi pa makumpirma ng Malacañang ang mga ulat na maaaring wala na si Co sa Czech Republic o kung siya ay nakatakas na.
Dagdag ni Castro, hinihintay pa ang opisyal na ulat mula kay Justice Secretary Fredderick Vida, na kasalukuyang nasa Europe upang tutukan ang nasabing usapin.











