Mas bibigyang-prayoridad muna ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang kanyang tungkulin sa national team kaysa sa Barangay Ginebra para sa nalalapit na FIBA World Cup Asian Qualifiers Window 5 sa Nobyembre 27 hanggang 29 sa Seremban, Malaysia.
Ayon kay Cone, lilipad sa Sabado ang 12-man Gilas squad patungong Malaysia para sa paghahanda sa kanilang mga laban kontra Syria sa Nobyembre 27 at Iran sa Nobyembre 29.
Mahalaga ang dalawang laban para sa Gilas na kasalukuyang may 4-4 kartada sa Group E at kailangang makapagtala ng tatlong panalo sa huling apat na laro upang mapalakas ang tsansang makapasok sa 2027 FIBA World Cup sa Qatar.
Pangungunahan naman ni bagong naturalized player Bennie Boatwright ang koponan bilang kapalit ng injured na si Justin Brownlee.
Dahil sa paghahanda ng national team, wala munang buong ensayo ang Gilas sa Pilipinas at sa Malaysia na lamang titipunin ni Cone ang mga manlalaro.
Samantala, aminado si Cone na magiging hamon ito para sa Barangay Ginebra dahil Disyembre 1 pa ang kanilang pagbabalik at nakatakda silang maglaro sa PBA Governors’ Cup sa Disyembre 4.
Tinawag naman niyang sakripisyo ng Ginebra organization ang pagbibigay-prayoridad sa pangangailangan ng national team.











