--Ads--

CAUAYAN CITY – Dinakip sa magkahiwalay na operasyon ng Santiago City Police Office Station 2 ang dalawang lalaki dahil sa pagtutulak ng hinihinalang shabu.

Unang nadakip si Jovel Alonzo, 55 anyos, may asawa, tindero at residente ng Purok 2, Plaridel, Santiago City.

Isinagawa ang magkahiwalay na operasyon sa pakikipagtulungan ng SCPO Station 2 sa ilalim ni PMajor Roderick Guiyab, City Drug Enforcement Unit sa pakikipagtulungan ng PDEA Region 2 na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.

Nakipag-transaksyon si Alonzo sa isang pulis na nagsilbing poseur buyer bitbit ang isang sachet ng hinihinalang Shabu kapalit ng 500 pesos
Mariing itinanggi ni Alonzo na sa kanya ang iligal na droga.

--Ads--

Sinabi niya na matagal na siyang umiwas sa nasabing gawain at nagtitinda na lamang siya ng iba’t ibang kagamitan.

Pangalawang dinakip ay si Reynaldo Reyes, 56 anyos, may asawa, machine shop helper at residente ng Purok 3, Centro West, Santiago City.

Nabili ng pulis na nagpanggap na poseur buyer ang isang sachet ng hinihinalang Shabu kapalit ng apat na libo at limang daang piso sa Brgy. Dubinan East.

Itinanggi niya ang paratang sa kanya subalit inamin nitong dati na siyang nakulong dahil sa Carnapping.

Kapwa mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga pinaghihinalaan na pansamantalang nakapiit sa Santiago City Custodial Facility.