--Ads--

CAUAYAN CITY– Pinalawig ang pagpapatupad ng total liquor ban ilang oras bago ang pagsalubong sa bagong taon sa Santiago City.

Sa bisa ng Executive Order No. 2020-12-21, epektibo ngayong huling araw ng taon hanggang unang araw ng 2021 ang total liquor ban.

Ipinagbawal ang pagbenta, pag-inom at pagbili ng alak para maiwasan ang mga hindi magandang pangyayari gayundin ang posibleng maging hawaan ng sakit.

Ipapatupad din kahit sa pagdiriwang ng bagong taon ang curfew hours sa Santiago City na magsisimula ng 10:00 PM hanggang 4:00 AM.

--Ads--

Nagpaalala naman si Mayor Joseph Tan na bawal pa ring lumabas ang mga 15 anyos pababa at 65 anyos pataas.

Hinimok din niya ang mga mamamayan na palaging maghugas ng kamay at ugaliin ang pagsasagawa ng disinfection.

Umaasa ang pamahalaang lunsod na magiging ligtas at matiwasay ang pagsalubong ng bagong taon sa lunsod ng Santiago.