--Ads--

CAUAYAN CITY – Bagsak sa kulungan ang isang tricycle driver matapos tagain ang nakaalitang kainuman sa Poblacion, Aritao, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasiyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Aritao Police Station, ang pinaghihinalaan ay si Jerome Carurucan, 30-anyos, isang tricycle driver habang ang biktima ay si Michael Roy Gallardo, 28-anyos, may asawa, walang trabaho at kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Batay sa imbestigasyon, dahilan umano ng nasabing insidente ay ang pagsabat ng biktima sa away mag-asawa kaya humantong sa pananaga.

Lumalabas na nagkayayaan mag-inuman ang biktima sa bahay ng pinaghihinalaan kasama ang isa pang nagngangalang Jeff Carurucan na kapatid ng suspek.

--Ads--

Sa kalagitnaan ng kanilang pag-iinuman, nagkaroon ng pagtatalo ang pinaghihinalaan sa kinakasama nito hanggang sa sumabat ang biktima.

Napagsalitaan umano ng masama ng biktima ang asawa ng suspek na naging dahilan ng pagtatalo ng mga ito.

Kumuha ng panabas ang suspek na ginamit nito para undayan ng saksak sa likod ang biktima.

Agad na itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima na nasa maayos ng kondisyon.

Inihahanda na ang kasong Frustrated Homicide na kakaharapin ng pinaghihinalaan na nasa pangagalaga na ng Aritao Police Station.