Iginiit ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na dapat makasuhan si Senador Robin Padilla kaugnay ng umano’y pagtulong nito sa pag-alis o “pagpapatakas” kay Sen. Bato dela Rosa.
Ayon kay Trillanes, may umiiral na proseso at dapat magsampa muna ng kaso bago ang anumang hatol ng korte, ngunit malinaw umano ang mga ebidensya at testigo na magpapatunay sa alegasyon. Dagdag pa niya, nasa hukuman na ang pagpapasya kung mapapatunayang may pananagutan si Padilla.
Matatandaang itinuturing na “person of interest” ng National Bureau of Investigation (NBI) si Padilla kaugnay ng pag-alis ni Dela Rosa. Sa inilabas na CCTV footage ng Philippine National Police, makikitang magkasamang pumunta sa parking area ng Senado ang dalawa at sumakay sa isang sasakyang nakarehistro umano kay Padilla.
Si Dela Rosa ay nahaharap sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.










