--Ads--

Kinumpirma ng Malacañang na nananatiling may standing order si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Ang pahayag ay ginawa ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro matapos tanungin kung may standing order pa rin ang Pangulo hinggil sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa senador.

Matatandaang nagpalabas ang ICC na nakabase sa The Hague, Netherlands ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra iligal na droga noong nakaraang administrasyon.

Nauna nang umikot ang mga ulat na naaresto na umano ang senador, subalit nilinaw ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na wala silang impormasyon na magpapatunay sa naturang balita.

--Ads--

Ayon kay Castro, nagpapatuloy ang koordinasyon at operasyon ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng usapin.

Gayunman, sinabi niyang ang DOJ at DILG ang higit na makapagpapaliwanag kung ano pang mga hakbang ang kinakailangan upang maisakatuparan ang pag-aresto kay Dela Rosa.

Una nang sinabi ng Malacañang na nananatiling balido ang warrant of arrest laban sa senador matapos ibasura ng Korte Suprema ang kahilingan nitong temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng naturang warrant.

Patuloy namang inaabangan ang mga susunod na hakbang ng mga awtoridad kaugnay ng pagpapatupad ng warrant laban sa senador.