Kinuwestiyon ni Senador Panfilo ”Ping” Lacson ang plano ng National Bureau of Investigation (NBI) na maglabas ng subpoena sa asawa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa upang matukoy ang kinaroroonan ng mambabatas.
Tinawag ni Lacson na hindi propesyonal ang hakbang at nagpapakita umano ito ng kahinaan sa intelligence work ng ahensya.
Ayon sa NBI, pinag-aaralan nilang ipatawag si Nancy dela Rosa bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon sa paghahanap sa senador, na umano’y muling naglaho upang iwasan ang pag-aresto kaugnay ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson na hindi dapat idaan sa ganitong paraan ang paghahanap sa isang indibidwal at iginiit na mas mainam na gumamit ng propesyonal na intelligence gathering kaysa sa mga hakbang na maaaring ituring na harassment sa pamilya.
Dagdag pa niya, habang pinupuna ang hakbang ng NBI, susuportahan pa rin niya ang pagpapalakas ng kakayahan at intelligence fund ng ahensya sa susunod na budget deliberation.
Depensa naman ng NBI, may basehan ang hakbang dahil sa mga naunang pahayag ni Nancy dela Rosa tungkol sa pag-alis ng kanyang asawa sa Senate complex noong Mayo, na maaaring may kaugnayan sa kanilang imbestigasyon.
Ayon sa mga ulat, inamin din ni Nancy sa isang pahayag na sinamantala ng kanyang asawa ang isang insidente sa loob ng Senado upang makalabas ng gusali sa Pasay City.











