Nakapasa nang sabay-sabay sa Licensure Examination for Teachers (LET) ang triplets na tubong Ilagan City, Isabela, isang pambihirang tagumpay na nagbigay ng inspirasyon sa kanilang pamilya at komunidad.
Kinilala ang magkakapatid na sina Ace, Bart Dominic, at Carl Alejandro bilang mga bagong lisensyadong guro matapos matagumpay na maipasa ang naturang pagsusulit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ng triplets na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin sila lubos na makapaniwala na sabay-sabay nilang nakamit ang kanilang pangarap na maging licensed professional teachers.
Ayon kay Ace, kasalukuyan siyang nasa trabaho nang ilabas ng Professional Regulation Commission (PRC) ang resulta kaya ipinakiusap lamang niya sa kanilang cashier na tingnan kung siya ay nakapasa.
Nang makumpirmang pasado siya, halos mapatalon na siya sa labis na tuwa ngunit agad ding napigil nang mapansin ang kanilang supervisor na nagagalit at may ipinagagawang trabaho. Dahil dito, pansamantala umanong napalitan ng pagiging propesyonal ang kanyang excitement at ipinagpatuloy na lamang niya ang kanyang tungkulin.
Samantala, ibinahagi naman ni Bart Dominic na halos isang buwan siyang binalot ng matinding kaba at pag-aalala dahil inakala niyang maaaring ma-invalid ang kanyang answer sheet.
Nagkamali umano siya sa paglalagay ng kanyang first name at last name sa scantron form, dahilan upang kanyang burahin, sulatan muli, at madoble ang marka ng ballpen na naging sanhi ng pagkalat ng tinta sa papel.
Dahil dito, palagi niyang iniisip sa loob ng halos isang buwan bago lumabas ang resulta na maaaring maapektuhan nito ang kanyang exam record.
Sa kabila ng kanyang pangamba, labis ang kanyang pasasalamat nang makitang matagumpay siyang nakapasa.
Ayon naman kay Carl, pinili nilang hindi mag-enroll sa review center kaya mas pinagbutihan nila ang self-review sa pamamagitan ng mahigpit na disiplina, organisadong study schedule, at paggamit ng mga libreng online review materials, educational videos, at practice tests.
Bagamat magkakaiba umano sila ng personal na pangarap noong una, pinili nilang tahakin ang propesyon ng pagtuturo hindi lamang dahil sa praktikal na aspeto ng pinansyal, kundi dahil nais din nilang maibahagi sa kabataan ang kanilang kaalaman at maging inspirasyon sa susunod na henerasyon.
Bilang payo sa mga aspiring LET takers, hinikayat ng triplets ang mga susunod na examinees na maniwala sa kanilang kakayahan, maging disiplinado sa pag-aaral, at huwag mawalan ng pag-asa kahit walang kakayahang mag-review center.
Ayon sa kanila, mahalaga ang consistency, tamang mindset, prayer, at dedikasyon upang makamit ang tagumpay.
Binigyang-diin din nila na hindi hadlang ang kakulangan sa resources kung may sapat na determinasyon, sipag, at malinaw na layunin.











