Personal na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng Brain and Spine Center sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na kauna-unahan sa Northern Luzon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay USec. Glenn Mathew Baggao ng Department of Health, sinabi nito na ang pagtatayo ng naturang specialty center sa naturang Hospital ay bahagi ng hangarin ng Pangulo na mailapit sa bawat Rehiyon ang mga serbisyong pangkalusugan.
Aniya, mga modernong mga kagamitan ang makikita sa naturang pasilidad na gagamitin ng mga espesiyalista para sa paggamot at pag-opera sa mga pasyente na may iniindang sakit na may kaugnayan sa brain at spine.
Kasabay nito ay isinagawa rin ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Heart, Lung, and Kidney Transplant Center sa coumpound ng CVMC bilang bahagi ng pagpapalago sa health services ng bansa upang hindi na mahirapan pa ang publiko na magtungo sa Maynila para lamang magpagamot.
Tiniyak naman ni USec. Baggao na patuloy ang pagbibigay ng Kagawaran ng dekalidad na serbisyo sa lahat ng health facilties sa Pilipinas.











