CAUAYAN CITY -Dinakip naman ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang isang tsuper matapos masamsaman ng mga bala at baril sa kanyang tahanan sa barangay Carabatan Grande, Cauayan City.
Ang suspect ay si Marlon Alicum, 42 anyos at residente ng naturang barangay.
Dinakip ang suspect matapos isilbi ng mga kasapi ng Cauayan City police station sa pangunguna ni PMajor Richard Babaran ang search warrant na ipinalabas ni Judge Reymundo Aumentado ng Regional Trial Court branch 20 Cauayan city dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 ( illegal possesion of firearms and Ammunition)
Nasamsan sa pag-iingat ni Alicum ang isang Cal. 22 na baril, isang converted Cal. 22 na walang serial number at limang bala.
Inihayag naman ni Alicum matagal na niyang nasa kanyang pagmamay- ari ang naturang mga armas .
Samantala, dinakip din ang isang magsasaka matapos na masamsaman ng baril at mga bala sa Brgy. Palutan, San Mariano, Isabela
Ang hinuli ay si Ritchie Culannay, 35 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng naturang barangay.
Isinilbi ng mga kasapi ng San Mariano Police Station sa pangunguna ni PCaptain Ericson Aniag , hepe ng naturang himpilan ng pulisya ang search warrant na inilabas ni Judge Alfred Alex Castillo, Presiding Judge, 6th MCTC Benito Soliven-San Mariano, Isabela na nagresulta ng pagkakadakip ng suspect.
Nakumpiska sa kuwarto ng suspect ang isang improvised shotgun, isang improvised magazine ng shotgun na may isang bala at tatlong bala ng 12-gauge shotgun.
Dinala ang suspect sa San Mariano Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.











