Hinimok ni Chinese President Xi Jinping ang mga bansa sa Asia-Pacific na higit pang paigtingin ang kanilang kooperasyon upang maisulong ang pagkakaisa at paglago ng ekonomiya sa rehiyon.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders Meeting nitong Huwebes, sinabi ni Xi na mahalagang magkaroon ng mas matibay na pagtutulungan, bukas na kalakalan, inobasyon at pantay na oportunidad para sa lahat ng bansa.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang alisin ang mga balakid sa kalakalan at pamumuhunan upang mapalawak ang oportunidad sa ekonomiya ng Asia-Pacific region.
Samantala, sinabi ni International Monetary Fund Managing Director Kristalina Georgieva na malaki ang nagiging ambag ng Artificial Intelligence (AI) sa paglago ng pandaigdigang ekonomiya, kabilang ang pagtulong upang mapagaan ang epekto ng krisis sa suplay ng enerhiya dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Georgieva, kinakailangang palakasin ng mga bansa ang kanilang digital infrastructure at ihanda ang mga manggagawa sa paggamit ng AI, habang tinutugunan ang mga panganib na may kaugnayan sa katatagan ng pananalapi at cybersecurity.
Dumalo rin sa APEC Economic Leaders’ Summit si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.










