CAUAYAN CITY– Namatay ang umanoy kasapi ng New Peoples Army (NPA) matapos mauwi sa engkwentro ang pagsisilbi sana ng warrant of arrest laban sa kanya sa Palacian, San Agustin, Isabela.
Ang namatay na umanoy miyembro ng NPA matapos umanong manlaban kasabay ng pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa kanya ay si Renato Busania alyas Andong, Regional Military Staff Member,- Kilusang Rehiyon- Cagayan Valley
Lumabas sa ulat ng Isabela Police Provincial Office, na isilbi ang warrant of arrest laban sa akusado ng magkasanib na pwersa ng 86th Infantry Battalion Philippine Army, 205th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2 at San Agustin police station.
Ang isinilbing mga warrant of arrest laban sa akusadong si Busania ay ipinalabas ni Judge Bonifacio Ong ng RTC, Branch 24, Second Judicial Region, Echague, Isabela sa kasong Double Murder at warrant of arrest na ipinalabas naman ni Judge Ester Flor ng RTC Branch 38 ng 2nd Judicial Region, Maddela, Quirino sa kasong murder
Sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office nagtamo ng tama ng mga bala ng baril si Busania matapos umanong tangkang takasan at manlaban sa mga otoridad.
Agad namang dinala sa hospital si Busania subalit ideneklarang dead on arrival ng kanyang attending physician
Nakuha sa pag-iingat ng akusado ang sa isang Caliber 45 na baril at isang pampasabog.











