Kinuwestiyon ni Reina Mercedes Vice Mayor Jeryll Harold Respicio ang umano’y pagpapapirma sa mga magsasaka ng tabako sa isang dokumentong nagpapahayag ng pagsang-ayon sa ₱25,000 na financial assistance kada ektarya, kasabay ng kontrobersiya sa paggamit ng pondong mula sa Tobacco Excise Tax.
Sa kaniyang Facebook post, iginiit ni Respicio na hindi nangangahulugang hanggang 25% lamang ng bahagi ng lokal na pamahalaan sa nasabing buwis ang maaaring ilaan para sa tulong pinansyal sa mga magsasaka. Aniya, nakasaad sa mga alituntunin ng Department of Budget and Management (DBM) na “highly encouraged” ang mga benepisyaryong LGU na maglaan ng hindi bababa sa 25% ng kanilang kabuuang bahagi para sa mga programang pangkooperatiba, kabuhayan at tulong pinansyal sa mga rehistradong magsasaka ng tabako.
Kalakip ng kaniyang post ang liham na mula sa Riverside Tobacco Farmers, na nagpahayag ng pagsang-ayon sa ₱25,000 na tulong kada ektarya at humiling na maibigay ito sa lalong madaling panahon dahil sa pangangailangan ng mga magsasaka.
Nauna nang naging mainit ang sesyon ng Sangguniang Bayan noong Oktubre 5 matapos kuwestiyunin ni Respicio ang paggamit ng humigit-kumulang ₱66 milyon na pondo para sa mga proyekto ng mga barangay. Kabilang sa mga tinanong niya ang ilang proyektong umano’y hindi pa nasisimulan o natatapos.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig noong Oktubre 19, sinabi ni Respicio na hindi pa naibibigay ang ilang dokumentong hinihingi niya upang masuri ang mga proyektong pinondohan ng Tobacco Excise Tax. Samantala, itinanggi ng lokal na pamahalaan ang mga alegasyon ng ghost projects at ipinaliwanag na may mga proyektong naitayo at ginagamit na.
Patuloy na hinihintay ang panig ng alkalde at iba pang kinauukulang opisyal kaugnay ng mga bagong alegasyon ni Respicio tungkol sa umano’y pagpapapirma sa mga magsasaka.











