Pormal nang inilunsad ang kauna-unahang Accelerating Salt Research and Innovation (ASIN) Center sa Pilipinas nitong Martes sa Pangasinan State University (PSU) sa Binmaley, na layong tugunan ang kakulangan sa suplay ng asin sa bansa at palakasin ang lokal na produksyon sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.
Pinangunahan ng Department of Science and Technology sa ilalim ng Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD) ang proyekto sa pamamagitan ng Niche Centers in the Regions for Research and Development (NICER) program, na may pondong aabot sa ₱43 milyon.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., ang bagong pasilidad ay kumakatawan sa isang makabago at maka-agham na hakbang upang muling pasiglahin ang sektor ng asin sa bansa. Aniya, magsisilbi itong sentro ng pananaliksik, pagsasanay, at inobasyon upang mapalawak ang lokal na produksyon at makamit ang sapat na suplay ng asin sa bansa.
Sa kasalukuyan, umaangkat ang Pilipinas ng humigit-kumulang 93% ng kabuuang pangangailangan nito sa asin, na nagpapakita ng matagal nang kakulangan sa lokal na produksyon.
Matatagpuan ang ASIN Center sa Pangasinan State University sa Binmaley at gumagamit ito ng makabagong teknolohiya upang makalikha ng de-kalidad na asin nang mas episyente. Mayroon itong tatlong pangunahing dibisyon: Membrane Science and Separation Technology, Salt Science and Applications, at Process Design and Engineering.
Sinabi ni PSU President Dr. Elbert Galas na layon ng pasilidad na pataasin ang dami at kalidad ng asin na napo-produce. Binuo rin umano ng mga mananaliksik ang isang makina na kayang magsagawa ng malakihang produksyon habang inaalis ang mga dumi at microplastics sa pamamagitan ng automated filtration system, na hindi na nangangailangan ng manu-manong paglilinis.
Ayon naman kay ASIN Center Program Leader Engr. Rex Basuel, kaya ng kanilang sistema na makagawa ng 300 hanggang 350 litro ng concentrated brine sa loob ng tinatayang tatlo’t kalahating oras gamit ang humigit-kumulang 30 kilowatts ng kuryente. Posible rin umanong makuha ang iba pang mahahalagang mineral tulad ng magnesium chloride, sulfate, calcium, at potassium para sa gamit-industriyal sa hinaharap.
Nilinaw ni Solidum na hindi layon ng bagong teknolohiya na palitan ang tradisyunal na pamamaraan ng paggawa ng asin gaya ng solar drying, kundi dagdagan at suportahan ito. Maaari aniyang magsabay ang makaluma at makabagong pamamaraan upang mapalawak ang produksyon.
Binigyang-diin din ni Galas na mahalaga ang alternatibong teknolohiya lalo na’t mahaba ang tag-ulan sa bansa, na nagiging hadlang sa tuloy-tuloy na produksyon gamit lamang ang pagpapatuyo sa ilalim ng araw.
Umaasa ang mga opisyal na sa pamamagitan ng ASIN Center ay mababawasan ang pag-angkat ng asin at kalaunan ay maging exporter pa ang Pilipinas sa pandaigdigang merkado.








