Tumanggi si Dean Ralph Sarmiento na tumestigo para sa defense team ni Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment proceedings.
Sa pahayag nitong Huwebes, Nobyembre 5, sinabi ni Sarmiento na personal niyang desisyon ang pagtanggi upang mapanatili ang kalayaan ng kaniyang mga pag-aaral sa constitutional law at ang pagiging patas ng kaniyang mga legal na pananaw.
Ayon kay Sarmiento, hiniling ng kampo ni Duterte ang kaniyang testimonya kaugnay ng mga konstitusyonal at legal na opinyong naibahagi niya sa social media.
Sa kaniyang pahayag, iginiit niyang mas pinili niyang hindi makilahok bilang testigo upang mapangalagaan ang independence ng kaniyang legal scholarship at impartiality ng kaniyang mga opinyon.
Dahil dito, hiniling niya sa defense team na bawiin ang kanilang kahilingan para sa pagpapalabas ng subpoena sa kaniya o kaya ay hilingin ang pagbawi nito kung naipalabas na ng impeachment court.
Matatandaang unang pinangalanan ng depensa si Sarmiento bilang testigo na inaasahang magbibigay-linaw sa mga legal at konstitusyonal na prinsipyong may kaugnayan sa impeachment case, partikular sa Article II, batay sa kanilang inihain na Manifestation with Request for Subpoena Duces Tecum and Ad Testificandum.











