Umabot umano sa ₱817.87 milyon ang hindi naideklarang yaman ni Vice President Sara Duterte mula 2022 hanggang 2025, ayon sa financial forensic expert na si Alexander Cabrera sa impeachment trial sa Senado.
Batay sa pagsusuri ni Cabrera, natukoy ang mga pagkakaiba sa SALN ni Duterte at sa mga rekord mula sa mga bangko, Securities and Exchange Commission at Bureau of Internal Revenue. Malaking bahagi umano ng hindi naideklarang cash ay mula sa mga bank account ng kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Tinaya rin sa ₱143 milyon ang umano’y hindi naideklarang personal assets at real estate properties ng mag-asawa. Natukoy din ang pag-withdraw ng ₱41 milyon mula sa dalawang bangko sa Davao City sa loob lamang ng isang oras noong Agosto 6, 2024.
Samantala, sinabi ng kampo ni Duterte na ilalahad pa nila ang kanilang mga ebidensiya at paliwanag. Binigyang-diin din nina Senate President Francis Escudero at Senador Panfilo Lacson na hindi pa pinal ang mga natuklasan ng eksperto at kailangan pang timbangin ang mga ito laban sa ebidensiya ng depensa.
Inaasahang isasailalim si Cabrera sa cross-examination ng depensa sa susunod na linggo.











