--Ads--

Bahagyang tumaas ang unemployment rate sa Pilipinas noong Hunyo 2026, habang bahagyang bumaba naman ang underemployment rate, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay sa datos ng PSA, umakyat sa 4.9% ang jobless rate noong Hunyo mula sa 4.8% noong Mayo. Mas mataas din ito kumpara sa 3.7% noong Hunyo 2025, na katumbas ng 2.59 milyong Pilipinong walang trabaho.

Gayunman, tumaas pa rin ang kabuuang bilang ng mga may trabaho na umabot sa 49.63 milyon, kasabay ng pagtaas ng labor force participation rate sa 65.1 porsiyento o 53.25 milyong aktibong manggagawa.

Pinangunahan ng accommodation, food services, at administrative support ang mga sektor na nakalikha ng trabaho. Samantala, pinakamalaking pagbaba ng employment ang naitala sa retail at wholesale trade na nawalan ng 903,000 manggagawa kumpara noong nakaraang taon.

--Ads--

Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, maaaring nakaapekto sa retail sector ang mataas na inflation, habang naapektuhan naman ang fishing at aquaculture dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel.

Naharap din sa hamon ang youth labor market matapos bumaba ang employment rate ng mga edad 15 hanggang 24 sa 86.5% mula sa 90.6% noong Hunyo 2025.

Samantala, bumaba naman ang underemployment rate sa 12.1% noong Hunyo mula sa 12.2% noong Mayo, na katumbas ng 6.11 milyong manggagawang naghahanap pa ng dagdag na trabaho o oras ng paggawa.

Nanatiling pangunahing tagapagtaguyod ng employment ang sektor ng serbisyo na bumubuo sa 62.7 porsiyento ng kabuuang workforce ng bansa.