Iginiit ng LPG Marketers Association (LPGMA) na hindi dapat kontrolin ng pamahalaan ang pagpili ng mga pribadong negosyante sa kanilang pinagkukunan ng suplay ng enerhiya upang mapanatili ang kompetisyon at tuloy-tuloy na suplay sa bansa.
Ito ay kasunod ng pahayag ni US President Donald Trump na sa Estados Unidos na umano kukunin ng Pilipinas ang 100% ng pangangailangan nito sa enerhiya simula Enero 2027, bilang bahagi ng inaasahang kasunduang pangkalakalan ng dalawang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Arnel Ty, Founder ng LPGMA, sinabi niyang hindi pa pormal na napagkakasunduan ng dalawang bansa ang naturang usapin kaya hindi pa ito maituturing na pinal na kasunduan.
Aniya, may karapatan ang mga pribadong kompanya na pumili ng kanilang suppliers, kabilang ang mga bansang nasa Middle East at iba pang energy-producing countries tulad ng Estados Unidos.
Dagdag pa niya, mahalagang magkaroon ng alternatibong pinagkukunan ng enerhiya, lalo na sa gitna ng tensyon sa Strait of Hormuz na maaaring makaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.
Paliwanag ni Ty, kung lilimitahan sa iisang bansa ang pag-aangkat ng enerhiya, maaaring mawalan ng pagkakataon ang mga importer na makapili ng mas murang suplay, madagdagan ang gastos sa transportasyon at pag-aangkat, at tuluyang makaapekto sa presyo ng petrolyo at iba pang bilihin.
Dahil dito, iginiit niyang dapat panatilihin ang kalayaan ng mga negosyante sa pagpili ng suppliers upang matiyak ang seguridad ng suplay, kompetisyon sa merkado at katatagan ng kalakalan sa bansa.










