
CAUAYAN CITY – Isasailalim na sa mandatory RT-PCR swab test ang lahat ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) na uuwi sa Isabela.
Batay sa inilabas na Memorandum Order 2020-02 ni Governor Rodito Albano, isasailalim sa swab test ang uuwing OFW kahit naunang sumailalim sa 14-day quarantine at swab test sa Metro Manila.
Nakasaad din sa memorandum na habang hinihintay ang resulta ng RT-PCR swab test ng OFW ay kailangang sumailalim sa mandatory quarantine sa pasilidad sa Cordon at Echague, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Elizabeth Binag, Provincial Information Officer na ang tatlong dumating na OFW sa Isabela ay negatibo ang RT-PCR swab test sa Metro Manila ngunit nagpositibo sila sa kanilang swab test sa Isabela kaya ipinag-utos ni Gov. Albano na isasagawa na ang mandatory RT-PCR swab test at quarantine sa mga umuuwing OFWs.
Kapag negatibo ang resulta ng kanilang swab test ay susunduin ang OFW ng Local Government Unit (LGU) sa kanilang bayan o lunsod na siyang magpapasya kung isasailalim pa sila sa 14-day quarantine o home quarantine.
Sinabi pa ni Atty. Binag na layunin ng hakbang ng pamahalaang panlalawigan na maiwasan ang pagkalat ng virus sa Isabela at maging ligtas din ang pamilyang uuwian ng mga OFW’s.




