Isinailalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa yellow alert ang Visayas grid ngayong Martes dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente na dulot ng mga hindi gumaganang planta ng karbon at mataas na demand.
Ayon sa abiso ng NGCP, iiral ang yellow alert mula alas-3 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi, kung saan inaasahang papalo ang pinakamataas na demand sa 2,412 megawatts (MW) kumpara sa available capacity na 2,542 MW.
Inihayag ng NGCP na may 28 planta ang nakaranas ng forced outage habang 11 naman ang tumatakbo sa mas mababang kapasidad (derated), na nagresulta sa kabuuang 996.40 MW na nawalang kuryente sa grid.
Pangunahing dahilan nito ang hindi paggana ng mga malalaking coal plant sa Visayas tulad ng Therma Visayas Inc. (Units 1 at 2), Panay Energy Development Corp (Unit 3), at KEPCO SPC Power Corp. (Unit 2).
Ang yellow alert ay itinataas kapag manipis ang reserba ng kuryente, ngunit hindi ito nangangahulugan na magkakaroon agad ng brownout.











