--Ads--

Hindi maaaring pilitin si Vice President Sara Duterte na aminin na siya ang may-ari ng mga bank account na isinumite bilang ebidensya sa kanyang impeachment trial, ayon sa Senate impeachment court.

Naglabas ng ruling ang impeachment court matapos bawiin ng House prosecution panel ang hiling nitong ipa-admit kay Duterte ang pagmamay-ari ng naturang bank accounts.

Sa halip, hiniling ng prosecution sa defense team na sumang-ayon na lamang sa mga stipulation na umiiral ang mga account, inisyu ng mga bangko ang records bilang tugon sa subpoena ng korte at tunay o authentic ang mga dokumento.

Ayon kay Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, hindi maaaring ituring na pag-amin ang hindi pagsagot ni Duterte sa naturang request dahil protektado siya ng constitutional right against self-incrimination.

--Ads--

Binigyang-diin din ng impeachment court na nananatili sa prosecution ang burden of proof at hindi maaaring ipasa kay Duterte ang tungkuling patunayan ang mga alegasyon laban sa kanya.

Bahagi ng Article 2 ng impeachment case ang alegasyon ng unexplained wealth, kabilang ang umano’y hindi kumpletong deklarasyon ng assets at liabilities at kabiguang mag-divest sa ilang business interests.